Mayon evacuees communal garden

LEGAZPI CITY- Pansamantalang nagtatanim ngayon sa sa communal garden ang mga magsasaka mula sa Barangay Mi-si sa bayan ng Daraga, Albay na apektado ng nagpapatuloy na aktibidad ng bulkang Mayon.

Ayon kay Alexander Lomeda, Presidente ng Upland Farmers Association sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na labis na napinsala ang kanilang mga pananim na nasa loob ng 6km radius permanent danger zone dahil sa mga naranasang ashfall.

Kabilang sa mga naapektuhan ng abo ang mga itinanim nilang gulay, mais, niyog at saging.

Aniya, sa tulong ng communal garden na pinagtataniman nila ngayon ay may maaasahan sila na aanihin upang makain ng kanilang pamilya.

Subalit aminado si Lomeda na malaki ang pagkakaiba nito dahil ang kanilang sinasaka sa loob ng permanent danger zone ay naibebenta nila dahil sa lawak ng taniman habang ang sa communal garden ay sapat lamang para sa kanilang pagkain.

Dahil dito ay nanawagan ang naturang magsasaka na oras na matapos na ang aktibidad ng bulkan ay mabigyan sana sila ng mga abono, binhi at iba pang pangangailangan para sa kanilang muling pagbangon.

Samantala, sa kasakuluyan ay mayroon naman umanong cash for work na iniaalok ang lokal na pamahalaan para sa mga apektadong magsasaka.