LEGAZPI CITY – Umaasa ang labor group na positibo ang magiging resulta ng isasagawang deliberasyon ng Kamara ngayong araw sa isinusulong na dagdag sahod para sa mga manggagawa ng pribadong sector.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Partido Manggagawa spokesperson Wilson Fortaleza, nakatakdang magpresenta ang grupo ng mga ebidensya sa naturang deliberasyon kung bakit napapanahon ang wage hike.

Habang ang ibang miyembro naman at ilang organisasyon ay magsasagawa ng kilos protesta sa labas ng Batasan Complex upang ipanawagan ang pag-apruba sa dagdag sahod.

Binigyan diin ni Fortaleza na 35 taon na ang nakakalipas ng huling magkaroon ng legislative wage hike matapos na hindi matuloy at bawiin ang isinusulong din noong taong 2006 dahil sa pressure ng mga employer at Pangulo.

Aniya, nabigo rin ang Regional Wage Board sa pagtatakda ng minimum wage dahil nananatiling nasa ilalim ng poverty line ang mga manggagawang Pilipino.

Ito ay sa kabila ng pangunguna ng Pilipinas sa may pinakamataas na gross domestic product sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) subalit walang pag-asenso ang mga ordinaryong manggagawa.

Ayon kay Fortaleza na tanging pananakot lang ng mga employer ang posible umanong pagbagsak ng mga maliliit na negosyo o kaya pagbawas ng mga empleyado oras na maaprubahan ang naturang panukala lalo pa’t wala naman aniya na sapat na basehan kung papano ito mangyayari.

Sinabi pa nito na malinaw na ebidensya ang kasalukuyang kalagayan ng mga minimum wage earner na hindi kayang makabuhay ng pamilya ang kakarampot na sahod dahil sa nagtataasang presyo ng mga bilihin.

Partido Manggagawa spokesperson Wilson Fortaleza