Mayon volcano rockfall
Mayon volcano rockfall

LEGAZPI CITY- Nagpalabas na ng kautusan ang pamahalaang panlalawigan ng Albay kaugnay ng mga paghahanda kung sakaling lumala pa ang aktibidad ng bulkang Mayon, na kasalukuyang nasa alert level 2.

Ayon kay dating Albay Public Safety and Emergency Management office head at ngayo’y chief of staff sa ikatlong distrito ng Albay na si Dr. Cedric Daep sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na handa silang magbigay ng technical support kung sakanilang kinakailangan.

Aniya, ang mga lokal na pamahalaan na ang dapat na magsagawa ng mga aksyon.

Sa ganitong sitwasyon, sinabi ni Daep na dapat na nasa preparedness at monitoring status na ang mga lokal na pamahalaan.

Iminungkahi pa ng opisyal ang pagsasagawa ng information caravan upang maipabatid sa publiko ang kasalukuyang sitwasyon at makapaghanda.

Dagdag pa nito na nakausap na rin niya ang alkalde ng bayan ng Guinobatan, na isa sa mga lugar na maraming mga residenteng naaapektuhan tuwing nagkakaroon ng aktibidad ng bulkang Mayon.