LEGAZPI CITY – Target ngayong araw ng rescue teams na maibaba na ang apat na bangkay na pasahero ng bumagsak na Cessna plane malapit sa bunganga ng bulkang Mayon.
Ito ay matapos na muling maparalisa kahapon ang retrieval operations dahil sa masamang lagay ng panahon na maghapong naranasan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Camalig Mayor Caloy Baldo, oras na bumuti na ang lagay ng panahon ngayong araw, posibleng maibaba na ang mga bangkay sa drop off point ng chopper.
Sa kasalukuyan, nananatili pa rin ang grupo sa dating lokasyon ng mga cadaver na nasa 200 hanggang 300 meters ang distansya mula sa mismong crash site ng eroplano.
Kahapon sinimulan na ng bagong batch ng mga responders ang pag-akyat sa bulkang Mayon para tumulong sa pagbubuhat ng apat na bangkay kung saan 12 katao ang kinakailangan sa kada cadaver.
Samantala, lahat na paraan ay ginagawa na ngayon hindi lamang ng Incident Management Team kundi pati na ng mga residente para sa mas mabilis na pagbaba ng naturang mga bangkay.
Nagsagawa ang ilang mga residente ng ”pirdon prayer” at novena sa chapel ng Barangay Anoling ng naturang bayan.
Ayon kay Baldo, karaniwang isinasagawa ang ganitong mga aktibidad ng mga residente tuwing may mga naitatalang insidente sa lugar.