LEGAZPI CITY—Binigyang-diin ng grupo ng mga tsuper na hindi na kasama sa 20% discount sa pamasahe sa pampublikong transportasyon ang mga kasalukuyang nagre-review o kumukuha ng board exam.
Ayon kay Basta Driver Safety Enforcer Chairman Ronel Nebres, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, maliban sa mga senior citizen o Persons with Disability (PWD), dapat ding tingnan ang Republic Act 11314 (An Act Institutionalizing the Grant of Student Fare Discount on Public Transportation and for Other Purposes) kung saan ang mga regular na estudyante lamang ang maaaring makakuha ng diskwento sa mga pampublikong transportasyon.
Aniya, pinagsasabihan din niya ang kanyang mga kapwa driver na alamin ang mga ipinapatupad na mga tuntunin at regulasyon pagdating sa nasabing batas sa kung sino lamang ang maaaring makakuha ng diskwento.
Sinabi rin ni Nebres na dapat magbayad ng regular na pamasahe sa mga pampublikong transportasyon ang mga nagre-review o kumukuha ng board exams maging ang mga nasa graduate school dahil sila ay nakapagtapos na sa pag-aaral.
Samantala, pinaalalahanan din ni Nebres ang mga commuter na mag-ingat sa mga pampublikong sasakyan at bantayan ang kanilang mga gamit upang maiwasan ang insidente ng mga pagnanakaw.