LEGAZPI CITY-Nakahanda na ang mga kinatawan mula sa Lungsod ng Tabaco para sa Dancesports sa Palarong Pambansa 2026 sa Agusan Del Sur.
Ayon kay Tabaco Dancesport Coach Hanna Monique Roco, sa naging panayam ng Bombo Radyo Legazpi, dalawang atleta ang kaniyang kasama bilang kinatawan mula sa Tabaco Division Dance Sports na magre-representa para sa buong Bicol Region.
Ang dalawang atleta ay dating nang nagrepresenta noong nakaraang taon sa Ilocos. Sinabi ni Coach Hanna na bago pa man ang laro, nagkaroon sila ng puspusang pagsasanay na isinagawa sa kanilang mga paaralan, dibisyon, at mga kompetisyon sa rehiyon.
Ito ay upang ihanda ang kanilang stamina at maging malakas sa pagsabak nila sa Agusan Del Sur.
Sa kasalukuyan, medyo nahihirapan din umano na mag-adjust ang mga atleta sa lugar dahil sa mainit na panahon, ngunit nasa maayos naman ang akomodasyon para sa mga atleta, maging sa mga coaches.
Gaganapin ang mga Dancesport sa Mayo 28 para sa elementarya at Mayo 29 para sa sekondarya, at ang finals para sa parehong kategorya ay gaganapin sa Mayo 30.
Dagdag pa ni Coach Hanna na umaasa rin sila na masungkit ang gintong medalya para sa Dancesports.











