LEGAZPI CITY- Nanindigan ang Philippine Army sa rehiyong Bicol na nananatiling nagkakaisa ang kanilang pwersa sa kabila ng nangyayaring kaguluhan ngayon sa politika sa bansa.
Ayon kay 9th Infantry Division Public Affairs Office chief Major Frank Roldan sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na ang loyalty ng mga sundalo ay nasa konstitusyon dahil ito ang kanilang sinumpaan sa pagpasok nila sa serbisyo.
Nanindigan ito na nananatili silang non-partisan at walang kinikilingan.
Paliwanag ng opisyal na hindi na kinakailangan pa ng loyalty check dahil ang katapatan nila ay hindi lamang para sa isang indibidwal o lider kundi sa buong bansa.
Ipinagmamalaki rin ni Roldan na patuloy ang magandang relasyon ng Hukbong Sandatahan sa komunidad kung saan patunay dito ang matagumpay na mga operasyon ng kanilang hanay dahil sa aktibong partisipasyon ng mga mamamayan.
Samantala, aminado ang opisyal na kung dati ay nakatuon sila sa paglaban sa insurhensya, sa ngayon naman ay naghahanda ang kanilang pwersa sa external threat.
Siniguro naman nito na patuloy ang kanilang pagtupad sa mandato na panatilihing ligtas ang mga Pilipino.