LEGAZPI CITY- Nakiisa ang Commission on Human Rights Bicol sa pagdiriwang ng Women’s Month ngayong Marso.
Ayon kay CHR Bicol Director Atty. Arlene Alangco sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na batay sa tala ay nananatiling mataas ang bilang mga kababaihan sa rehiyon na nakakaranas ng pang-aabuso.
Kabilang sa mga ito ang gender based harassment, child abuse, violence against women and children, paglabag sa anti-bastos, at iba pang uri ng pang-aabuso sa karapatang pantao.
Kasunod nito ay pinayuhan ng opisyal ang mga magulang na maging mapagbantay upang malaman kung may nangyayaring pang-aabuso sa loob ng kanilang mga tahanan.
Dagdag pa ni Alangco na posibleng tumataas ang naitatalang bilang ng pang-aabuso dahil mas bukas na ang mga biktima sa pagsusumbong kumpara sa nakalipas na mga taon.
Mas marami na aniya ang nagkakaroon ng lakas ng loob na magpasaklolo at isumbong ang kanilang mga abusers.