LEGAZPI CITY—Nakahanda na ngayon ang mga kapulisan ng Catanduanes sa posibleng epekto ng bagyong Inday sa probinsya.
Ayon kay Catanduanes Police Provincial Office Public Information Office Police Lieutenant Colonel Emsol Icawat, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nagsagawa na ang regional police office ng isang virtual inspection sa kanilang mga mga police station kaugnay ng kanilang paghahanda para sa nasabing bagyo.
Aniya kabilang sa mga ininspeksyon ay ang kanilang mga kagamitan, rescue equipment, at maging ang kanilang mga disaster emergency response team.
Dagdag nito na mahigit 160 tauhan ng kanilang tanggapan ang handa ring magresponde kung sakaling tumama ang bagyo sa kanilang lugar.
Samantala, mensahe ni Icawat sa publiko na maging mapagmatyag, mag-antabay sa mga balita at maghanda sa posibleng epekto ng Bagyong Inday sa kanilang lalawigan.











