
LEGAZPI CITY – May paglilinaw ang mga kapulisan sa lalawigan ng Albay, patungkol sa paghahain nila ng warrant of arrest laban sa mga sangkot sa flood control anomalies.
Ayon kay Legazpi City Police Station Acting Chief of Police Police Lieutenant Colonel Domingo Tapel Jr. sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na ang kanilang ginagawa ay batay lamang sa kautusan ng korte na ipaalam sa isang indibidwal na mayroon siyang warrant of arrest na bahagi rin ng due process kahit alam nilang may iba nang umalis ng Pilipinas.
Nilinaw din niya na pinuntahan nila ang mga tirahan ng mga may warrant na naka-address sa kanilang lungsod.
Gayunpaman, nang marating nila ang mga address ng mga nasa warrant, wala silang nadatnan habang ang iba ay mga katulong lang umano ang kanilang nakausap kaya nagbigay sila ng numero upang matulungan ang mga pinaghahanap kung sakaling sumuko sila sa kanilang opisina.
Sinabi ng opisyal na patuloy nilang minomonitor ngayon ang mga indibidwal na pinaghahanap ng batas.
Sinabi ni Tapel na pagkatapos ng 10 araw na hindi naaaresto ang mga nasa warrant, obligado silang magbigay ng paliwanag sa korte na nagpalabas ng warrant of arrest.










