LEGAZPI CITY—Mas hinipitan ng kapulisan ng Albay ang pagbabantay sa mga border control points sa paligid ng bulkang Mayon dahil sa banta ng lahar flow lalo na ngayong papalapit na ang panahon ng tag-ulan.
Ayon kay Albay Police Provincial Office Provincial Director Police Colonel Noel Nuñez, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kanilang pinaghahandaan kasama ng lokal na pamahalaan ang ashfall na halos nasa paanan na ng bulkan at ang Mi-isi gully na halos puno na ng mga ibinubugang na pyroclastic density currents o uson.
Aniya na ang kanilang mga tauhan na nakatalaga sa mga border control point ay nagsagawa ng mga pagsasanay katulad ng kung ano ang gagawin kung sakaling magkaroon ng flashflood, matiyak na walang maitalang casualty, at pagbabantay sa 6-kilometer permanent danger zone pati na rin ang pagbibigay impormasyon sa mga residente sa bahagi ng Mi-isi gully.
Binigyang-diin din niya na mayroon silang contingency plan para sa mga ganitong sitwasyon sa panahon ng tag-ulan.
Samantala, ipinaalala rin ni Nuñez sa publiko na kailangan ang paghahanda lalo na sa bahagi ng Daraga na maaaring maapektuhan ng uson sa Mi-isi gully sa panahon ng tag-ulan.
Aniya, mayroon na silang arrangement sa lokal na pamahalaan at mga opisyal ng barangay kung paano gagawa ng mga hakbang sakaling magsimula ang tag-ulan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan.











