LEGAZPI CITY- Pumalo pa sa mahigit P91.8 million ang naitalang gross sales ng mga Kadiwa ng Pangulo sa rehiyong Bicol.
Ang naturang halaga ay simula Enero hanggang Mayo sa kasalukuyang taon.
Ayon kay Department of Agriculture Bicol Spokesperson Lovella Guarin sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na ang rehiyon kasi ang may pinakamaraming Kadiwa ng Pangulo sa buong Pilipinas na nasa 13, habang mayroon pang 30 kadiwa stores at pitong Kadiwa on wheels.
Nabatid na nakapagbenta ng nasa 580.67 metric tons ng agriculture commodities na nabili ng nasa 229, 716 households sa buong rehiyon.
Sinabi ng opisyal na 90% ng ibinibenta sa mga Kadiwa stores at mga rootcrops, gulay, prutas, poultry products, isda at iba pa na fresh produced ng mga lokal na magsasaka.
Samantala, ayon kan Guarin na patuloy na dumadami ang mga regular na customers ng mga magsasaka kaya naka-program na ang pagtatanim ng mga ito upang ma-sustain ang kanilang mga ani.
Matatandaan na sa kasagsagan ng pandemya ay isa ang Bicol region sa mga regular na nagsu-suplay ng agricultural products patungo sa National Capital region dahil sa sapat na ani ng mga magsasaka.
Kung matatandaan mayroong mga farmers association at kooperatiba ang nabigyan ng hanggang sa P1 million na kapitan na napalago na ng mga magsasaka.