LEGAZPI CITY – Kinakailangan na pag-aralan ng mabuti ang buwis-buhay na pagbaba sa mga bangkay ng apat na pasahero ng bumagsak na Cessna plane 340A sa taas ng bulkang Mayon.
Hanggang sa ngayon kasi pahirapan pa rin ang pagbaba ng mga rescuers sa naturang mga labi ng mga biktima.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Tim Florece, tagapagsalita ng lokal na pamahalaan ng Camalig, maraming mga ‘challenges’ na kinakaharap ang rescue teams sa isinasagawang retrieval operations.
Kabilang na rito ang pabago-bagong lagay ng panahon sa taas ng bulkang Mayon, madulas na daan, malambot na lupa at mga dumadaosdos na mga buhangin.
Sa kabila nito, patuloy pa rin ang paglalagay ng mga rescuer ng anchor points o lubid na gagamitin para sa pagbaba ng naturang mga bangkay.
Aminado si Florece na wala pang katiyakan kung kailan matatapos ang retrieval operations lalo pa’t isinasaalang-alang din ang kaligtasan ng mga rescuers.
Nilinaw din nito na hindi pa nailalagay lahat ng bangkay sa body bag dahil labis na delikado ang kinaroroonan ng crash site, kung saan bawat galaw ng mga responders ay kinakailangan na ma-ingat dahil dumadaosdos ang mga naaapakang buhangin.
Sa ngayon, nasa 31 rescuers ang nananatili sa taas ng bulkang Mayon na buwis-buhay na ginagawa ang lahat para maibaba ang mga labi ng mga biktima at ma-iturn over sa mga naghihintay nitong mga pamilya.