LEGAZPI CITY – Nilimas ng mga magnanakaw ang ilang mga mahahalagang gamit sa Bulabog Elementary School sa Pilar, Sorsogon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Domingo Monterde, guro sa naturang paaralan, ninakaw ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang dalawang wall fan, dalawang extension wire, projector, amplifier, speaker, isang medicine box at apat na upuan.
Pagbabahagi nito, alas-5:30 ng umaga ng mapansin na pinasok ng mga magnanakaw ang kanilang paaralan.
Hindi lamang isang classroom ang pinasok kundi mula kinder hanggang sa grade 6 at pinuntirya rin maging ang principal’s office.
Napag-alamang dumaan sa bintana ang mga suspek sa pamamagitan ng pagtanggal ng window blades o jalousie window.
Tinatayang aabot sa P50,000 ang halaga ng mga nawalang gamit sa paaralan.
Dahil sa nangyari, namomroblema ngayon ang mga guro sa paaralan dahil sa nakuhang amplifier at isang malaking speaker na nagkakahalaga ng P20,000 kung saan gagamitin para sa papalapit na graduation.
Blanko rin sa pagkakakilanlan ng mga suspek lalo pa’t walang CCTV camera sa paaralan dahil nasa liblib na lugar.
Umaasa si Monterde na maibalik pa ang mga nawalang gamit at nanawagan sa posibleng mapagbentahan na ipagbigay alam agad sa mga awtoridad o sa paaralan.