LEGAZPI CITY- Malaki pa rin ang ipinapasalamat ng Schools Division’s Office ng Masbate na walang nadamay o nasugatan na mga estudyante at guro sa Villa Hermosa National High School, Cawayan Masbate.

Ito’y kaugnay pa rin ng nangyaring engkwentro sa pagitan ng Philippine Army at ng rebeldeng grupo malapit sa nasabing eskwelahan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Martin Espayos, Division Information Office ng SDO Masbate, nagvolunteer ang Philippine Red Cross na magsagawa ng debriefing at counseling sa mga estudyante.

Ito’y matapos na may nahimatay na estudyante dahil sa takot hanggang sa kapusin na ng hininga sa kalagitnaan ng nangyayaring putukan.

Ani Espayos, dahil sa nangyari napagdesisyunan na huwag na munang magkaroon ng face-to-face classes sa loob ng isang linggo upang masigurong ligtas ang mga estudyante.

Inabisuhan na lamang ang mga estudyante na magkakaroon ng modular distance learning, habang work from home naman sa mga guro.