LEGAZPI CITY – Nakapag-uwi ng karangalan ang mga estudyante sa Bicol sa kakatapos pa lamang na Global Robotics Competition na isinagawa sa Nanning City, Guangxi, China.

Kasama sa mga nagrepresenta sa Pilipinas sa international competition ang mga estudyante ng Legazpi City Science High School.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Fernando Brabante isa sa mga guro ng Legazpi City Science High School, hindi lamang isang pwesto ang pinanalonan ng kanilang pambato dahil naiuwi nito ang 2nd at 3rd place.

Panalo para sa Junior High School Category 2nd place ang Team #4 – GARUDA na binubuo ng mga players na sina Dave Justin De Asis at Bea Martina Adile.

Nasungkit naman ng Team #3 – GARNATICS ang 3rd place sa pamamagitan ng mga players na sina Catrizze Yienne Jaluage at Neil Xedrick Cataquiz.

Dahil sa malaking karangalang ito, plano ng Legazpi City Science High School na mas palawakin pa ang kanilang robotics program upang mapatibay ang talento ng mga mag-aaral na kayang makipagsabayan sa international competitions.

Ang Global Robotics Competition ang taunang pagtitipun-tipon ng pinakamatitibay na estudyante pagdating sa robotics mula sa ibat ibang bansa.