
LEGAZPI CITY – Hindi nakaligtas sa mata ng mga magnanakaw ang mga kagamitan sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology Ligao Observation Station sa Ligao City, Albay.
Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology Director Teresito Bacolcol sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, natuklasan ng mga tauhan ng Mayon Volcano Observatory (MVO) habang nagsasagawa ng routine maintenance activity na pinutol at ninakaw ang mga kable.
Kabilang sa mga ninakaw ay six meters solar cables, three meters battery cables, five meters liquid-tight conduit cables at iba pa na nagbibigay ng suplay ng kuryente, storage at real-time volcano monitoring data communications na agarang kailangan lalo na ngayong nagpapatuloy ang aktibidad ng bulkan.
Nilinaw din niya na hindi ito gumagana sa ngayon at nasa labas ito ng permanent danger zone ngunit sinisikap nilang maibalik ito sa lalong madaling panahon.
Sinabi ng opisyal na nakikipag-ugnayan sila sa mga awtoridad at sa Lokal na Pamahalaan hinggil sa insidente upang panagutin ang mga responsable.
Aniya, hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng pagnanakaw sa kagamitang ginagamit nila sa pagmonitor ng bulkan.
Mariin din siyang nagbabala na ang mga mahuhuli sa pagnanakaw ng kanilang monitoring equipment ay mahaharap sa mga paglabag sa Republic Act 10344, ang Risk Reduction and Preparedness Equipment Protection Act of 2012.
Umapela rin si Bacolcol na ang kanilang mga monitoring station ay hindi lamang mga ordinaryong kagamitan ng gobyerno kundi bahagi ng proteksyon ng mga komunidad na naninirahan sa paligid ng Bulkang Mayon na naglalagay sa kanila sa panganib kapag ito ay nasira o ninakaw.










