LEGAZPI CITY – Nagkaroon ng pag-uusap ang ilang concerned agencies para sa pinangangambahang lahar flow lalo na ngayong typhoon season sa Bicol.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) Officer in Charge Eugene Escobar, laman ng naturang meeting ang lahar management concern at lahar management commiittee na binuo pa noong taong 2021.

Kinabibilangan ito ng iba’t-ibang tanggapan tulad ng Provincial Engeneering Office, Provincial Environment and Natural Resources Office, Department of Public Works and Highways, Mines and Geosciences Bureau, Environmental Management Bureau at iba pa.

Nilalayon nito na pag-usapan at pag-aralan ang mga maaaring gawin may kinalaman sa epekto at pinsala ng lahar flow.

Target ding agad magkaroon ng pag-uusap, pagpaplano at karampatang rekomendasyon upang mabawasan ang epekto ng lahar flow lalo na kung matindi ang ulan at magkaroon ng bagyo.

Ayon kay Escobar, 100% na nandyan palagi ang banta ng lahar flow kaya’t mahalaga na magkaroon agad ng mga contigency plan at preventive measures upang mabawasan ang posibleng pinsala sa mga pananim, hayop at mga tao.

Lalo na ngayong umaabot na sa 41 millon cubic meters ang volcanic materials na inilabas ng patuloy na pag-aalburoto ng bulkang Mayon.