LEGAZPI CITY – Inalerto na ang mga Coast Guard Station sa Bicol matapos madagdagan pa ang bilang ng mga indibidwal na nawawala dahil sa nararanasang sama ng panahon sa rehiyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Office of Civil Defense Bicol spokesperson Gremil Naz, umabot na sa 12 ang kabuuang bilang ng mga indibidwal na ideneklarang missing.
Sa naturang bilang, 10 dito ay mga mangingisda kung saan pito ang mula sa bayan ng Virac at Viga sa Catanduanes na matagal ng pinaghahanap, habang dalawa sa Vinzons, Camarines Norte at isa sa lungsod ng Tabaco sa Albay.
Mula naman sa Balatan, Camarines Sur ang isang indibidwal na nawawala habang lumalangoy sa isang beach resort ng lugar at gayundin ang sinapit ng isang indibidwal sa Sta. Magadalena, Sorsogon.
Sinasabing posibleng natangay ang mga ito ng malaking alon sa malalim na bahagi ng dagat at hindi na nagawa pang makaahon.
Inamin din ni Naz na hindi pa makapagsagawa ng search, rescue at retrieval oeprations sa karagatan dahil sa mga pag-ulan at malalaking alon.
Subalit nakikipag-ugnayan na rin ang tanggapan sa Philippine Air Fore para sa pagsasagawa ng aerial survey sa layuning matagpuan na ang mga nawawalang indibidwal.
Samantala, dawala na ang natagpuan sa siyam na mangingisdang nawawala sa lalawigan ng Catanduanes kung saan parehong bangkay na ng makita sa Rapu-rapu, Albay at Matnog, Sorsogon.