LEGAZPI CITY – Kuwestiyonable sa mga bus operators at drivers kung bakit hindi sila kasama sa mabibigyang ayuda ng pamahalaan sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga produktong petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Amy Bragais-Ilagan, isang bus operator sa Albay, tanging mga jeepney drivers at operators lamang ang saklaw ng naturang subsidiya na inilaan ng pamahalaan.
Aniya, isa rin sila sa higit na apektado ng linggohang oil price hike, subalit tila nabalewala.
Gayunman, kung hindi mapagbibigyan ang kahilingan,nananawagan na lamang na dagdagan ang kapasidad ng mga pasahero ng bus.
Kabilang din dito ang pagpayag na hindi na sasailalim sa anti-gen test ang mga pasaherong fully vaccinated na laban sa COVID-19.
Kung saan, mayroong bus na nakatalaga para sa mga ito at sa mga hindi pa bakunado.
Subalit ang problema aniya ay tanging hanggang pag-aaralan na lang ang tugon ng Land Transport Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Aniya, kahit humiling pa ng fare increase ang mga bus operators at drivers, alam na nila na malabo itong mangyari.