LEGAZPI CITY- Tumaas ng nasa 10% hanggang 20% ang mga biyahero sa Matnog port sa nakalipas na long weekend.

Subalit sinabi ni Port Management Office Bicol Media relations officer Achilles Galindes sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na naging manageable naman ang sitwasyon.

Batay sa tala simula noong Biyernes hanggang araw ng Lunes ay pumalo sa 11, 300 ang mga bumiyahe mula sa Matnog port patungo sa Visayas habang mahigit 9, 200 naman ang bumiyahe mula sa Visayas patungo sa naturang pantalan.

Mas kaunti umano ito kumpara sa inasahan nila na nasa 40% na pagtaas ng mga biyahero.

Samantala, sinabi ng opisyal na hindi naman nagkaroon ng pila ng mga sasakyan sa Maharlika Highway dahil maraming mga shipping lines ang naghanda kaugnay ng naturang long weekend.

Muli namang nagpaalala si Galines sa publiko na sumunod lamang sa mga ipinapatupad na mga polisiya ng mga pantalan sa rehiyon upang maiwasang maantala ang kanilang biyahe lalo na ngayon na balik na sa normal ang pasok sa mga paaralan at tanggapan ng pamahalaan.