
LEGAZPI CITY—Itinuturong mga basura ang naging sanhi ng nangyaring grass fire sa Barangay Lamba, Legazpi City nitong Miyerkules na gabi, ika-3 ng Disyembre 2025.
Ayon kay Bureau of Fire Protection Legazpi Public Information Officer Senior Fire Officer II Norman Andes, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, posible umanong nagsimula ang apoy sa mga nahanap nilang basura sa gitnang parte ng nasabing bundok.
Paliwanag nito na sa kasagsagan ng init ng panahon nang hapon na iyon ay posibleng nag-magnify ang nakuha nilang plastic bottle at naging sanhi ng sunog.
Binigyang-diin ni Andes na aksidente ang nangyari at wala rin umano silang nakitang mga bagay na posibleng ginamit sa pagsunog.
Aniya, umabot umano sa tatlong ektarya ang lawak nang napinsalang lugar kung saan umabot ng mahigit tatlong oras ang pag-apula nito.
Maliban dito, wala rin umanong naitalang nasugatan, casualty o napinsalang kabahayang malapit sa lugar.
Nagpaalala naman ang opisyal sa mga nagbibisita rito na iwasan ang pagtapon ng mga basura at kung maaari ay dalhin na lamang muli ang ito upang maiwasan ang ganitong mga insidente.










