LEGAZPI CITY – Nasa Albay na sa ngayon ang mga barkong panggera ng Estados Unidos at South Korea para sa taunang Pacific Partnership program na isang multilateral humanitarian assistance and disaster relief preparedness mission sa mga bansang nasa Indo-Pacific region.
Nauna ng nakarating sa pantalan ng Legazpi City ang barkong pandigma ng Estados Unidos na City of Bismarck.
Habang ang barkong panggera naman ng South Korea na Il Chul Bong LST-688 ay kakarating pa lamang kahapon sa Tabaco City port.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Tabaco City Mayor Krisel Lagman-Luistro, mainit ang naging pagtanggap ng lokal na gobyerno sa Korean Navy kung saan nagkaroon pa ng maikling programa para sa ito.
Nakatakdang magsagawa ng mga humanitarian program ang navy personnels ng South Korea at Estados Unidos kasama ang Philippine Navy sa lungsod ng Legazpi.
Kasama na diyan ang feeding program sa piling elementary schools, pagbibigay ng regalo sa children’s home, pagsasagawa ng veterinary at medical mission, infrastructure projects sa Sawangan Park at training programs para sa disaster response.
Umaasa ang lokal na gobyerno ng Tabaco na sa tulong ng ganitong mga programa ay mas mapapalakas pa ang relasyon ng Pilipinas at mga kaalyadong bansa habang natutulongan ang mga nangangailangang Pilipino.