LEGAZPI CITY- Hinigpitan ngayon ng pamunuan ng Barangay Conception sa bayan ng Virac, Catanduanes ang monitoring sa lugar matapos makadiskubre ng isang fully grown marijuana plant.
Ayon kay Kapitan Anthony Arcilla sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na nadiskubre nila ang isang marijuana plant na nakatanim pa sa isang paso sa abandonadong bahay na pansamantalang ginagawang tambakan ng barangay.
Natatakpan pa umano ito ng mga sako at malaki ang posibilidad na pinapatubo talaga ito.
Dahil sa insidente sinabi ni Kapitan Arcilla na agad nilang ipinahalughog ang lahat ng bakanteng lote sa kanilang barangay upang masiguro na walang anumang marijuana plantation sa nasasakupang lugar.
Ito lalo pa na nasa proseso ang barangay sa aplikasyon nito sa pagiging drug cleared.
Dagdag pa ng opisyal na ipinatawag rin niya ang ilang mga pinaghihinalaan na personalidad na posibleng nagtanim ng naturang marijuana upang makausap ang mga ito.
Samantala, patuloy umanong minamanmanan sa ngayon ang ilang mga indibidwal upang ma-monitor ang kilos ng mga ito.
Nanindigan ang opisyal na hindi nila hahayaan na kumalat pang muli ang iligal na droga sa kanilang lugar.