
LEGAZPI CITY – Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng mga aktibidad ng Bulkang Mayon sa lalawigan ng Albay sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Ada sa rehiyon ng Bicol.
Ayon kay PHIVOLCS Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division Chief Mariton Bornas sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang bulkan ay nakapagtala ng 235 na rockfall events at 48 pyroclastic density currents noong Enero 18.
Wala umano silang naitala na anumang volcanic earthquakes sa mga nakaraang araw, na nangangahulugang ang magma at mga volcanic materials ay malayang nakakawala mula sa bunganga nito.
Sinabi ng opisyal na bukod sa inaasahang pagtaas ng sulfur dioxide flux, wala silang nakikitang ibang indikasyon na lalala ang sitwasyon ng Bulkang Mayon at magpapataas ng alert level status nito sa level 4.
Punto niya na kung mayroon nang mga volcanic earthquakes sa Mayon, malamang na ito ay sanhi ng bara sa lava dome na maaaring magtrigger ng malakas na pagsabog dahil sa hindi na nailalabas na pressure.
Binigyang-diin ni Bornas na hindi dapat maging kampante ang publiko dahil patuloy ang pagkakaroon ng deep intrusion o pag-uga sa ilalim ng bulkan na nagdudulot ng pamamaga nito o Ground Deformation.










