LEGAZPI CITY – Ikinalungkot ng School Division Office ng Legazpi City ang nangyaring komosyon sa pagitan ng mga atleta ng Masabte City at Naga City sa huling araw ng Palarong Bicol 2024.

Kasunod ito ng nangyaring kaguluhan sa oval ng Bicol University matapos ang championship games for Football-Secondary Male kung saan nagtapos ang laro sa 5-0, pabor sa Masbate City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Francisco Dexter Sison, Sports Division Coordinator ng School Division Office Legazpi, habang nagbubunyi ang mga atleta ng Masbate City na nasa oval dahil sa pagkapanalo ay bigla na lang pamasok ang atleta ng Naga City at nanipa.

Nagtamo ng injury ang ilang atleta ng Masbate City matapos na matamaan sa likod ang isa sa mga ito.

Ayon kay Sison, posibleng nagkapikunan o hindi natanggap ng Naga City ang resulta ng laro kaya hindi napigilan ang bugso ng damdamin.

Tiniyak naman ng pamunuan na hindi papalagpasin at iimbestigahan ang naturang insidente upang malaman kung ano ang pinagmulan ng komosyon at masampahan ng karampatang penalidad ang tunay na may sala.

Samantala sa hiwalay na panayam ay pinuri ni Marcelino Ibañez, information officer ng Masbate City School Division Office ang pagiging kalmado ng mga players nito sa kabila ng nangyari.

Indikasyon aniya ito na mayroong disiplina at sportsmanship ang kanilang mga manlalaro, subalit umaasa na hindi na maulit pa ang nangyari.

Samantala, nakatakda namang magsagawa ang tanggapan ng Psychological First Aid sa lahat ng mga atleta na sangkot sa naturang insidente.

Masaya namang ibinahagi ni Ibañez na pasok na ang football players ng Masbate City sa Palarong Pambansa.