LEGAZPI CITY- Nakarating na sa Cebu City ang delegasyon ng Catanduanes para sa nalalapit na Palarong Pambansa 2024 na isasagawa sa July 9–16.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Fidel Vegim, ang Division Sports Coordinator ng Schoold Division Office Catanduanes, binubuo ang delegasyon ng 29 na mga atleta, coaches at mga officials.
Labingdalawa sa mga atleta ang sasabak sa Softball Elementary, apat sa Speak Takraw Junior, 4 sa 3×3 secondary, dalawa sa Dance sports, apat sa Athletics at tig-iisa naman para sa individual events na swimming, gymnastics at para-games.
Nakatakda ipagpatuloy ng mga atleta ang kanilang concentration training bukas sa Cebu, na isa sa mga paraan upang mapaghandaan ang nasabing palaro.
Malaki naman ang tiwala ng opisyal na may maiuuwing medalya ang delasyon lalo pa’t nakita umano niya ang performance sa training at ang determinasyong manalo ng mga atleta.
Samantala, nagpasalamat naman ang delegasyon sa kanilang gobernador na si Gov. Joseph Cua na malaki umano ang ibinibigay na suporta at tulong sa mga atletang Catanduangon.