LEGAZPI CITY—Nakatanggap na rin ng tulong mula sa Department of Labor and Employment ang mga manggagawang naapektuhan ng Bagyong Opong sa lalawigan ng Masbate.
Ayon kay DOLE Bicol Regional Director Imelda Gatinao, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, halos P29.8 milyon ang kanilang naipamahagi para sa sahod ng nakaraang implementasyon ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) para sa 6,455 na manggagawa partikular sa lugar ng San Pascual, Aroroy, Balud, Baleno, Milagros, Dimasalang, Palanas, Esperanza, Pio V. Corpus, Placer, at Cataingan.
Maliban dito, nagtalaga na rin ang kanilang ahensya ng 446 na manggagawa para sa isang clean up efforts sa lalawigan sa ilalim ng TUPAD, kung saan may pondo itong nasa mahigit P2 milyon.
Dagdag pa ni Gatinao, nagpalista ulit sila sa mga local government units mula sa Masbate City, Cawayan, San Jacinto, Claveria, Batuan, San Fernando, Mandaon, Mobo, Monreal at Uson para sa susunod na implementasyon ng TUPAD na may nakalaan na budget na P8.5 milyon upang makatulong sa 1,870 manggagawa ng mga nasabing munisipalidad.
Nag-commit din aniya ang kanilang ahensya ng humigit-kumulang P5 milyong halaga ng livelihood projects sa 100 benepisyaryo para sa sustainable livelihood program lalo na sa mga nawalan ng kabuhayan dahil sa bagyo sa lalawigan.
Naglaan din ang kanilang ahensya ng humigit-kumulang P2.7 milyon upang matulungan ang 150 fresh graduates lalo na ang mga education graduate kung saan sila ay ilalagay sa Government Internship Program.
Ayon sa opisyal, naglaan sila ng kabuuang P48.1 milyon para sa TUPAD; P5 milyon para sa Department of the Interior and Local Government; at ang Government Internship Program na may alokasyon na P2.7 milyon.
Samantala, pinasalamatan din ng opisyal ang mga tumulong para sa recovery efforts sa Masbate, ayon kay Gatinao, na nakatakda rin silang mag-assess at nais din nilang matulungan ang mga micro-enterprises sa lugar na matinding naapektuhan ng bagyong Opong.