LEGAZPI CITY- Hindi lamang mga tao kundi maging mga alagang hayop ay sinimulan na ring ilikas sa lalawigan ng Albay dahil sa pagkabahala sa posibleng epekto ng bagyong Pepito.

Ayon kay Albay Provincial Veterinarian Dr. Pancho Mella sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na tinututukan ang mga livestock farmers lalo pa at noong kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Kristine ay pumalo sa P11 million ang pinsala sa naturang sektor.

Dahil dito ay nais masiguro ng tanggapan na handa ang mga livestock farmers sa pamamagitan ng pag-alam ng mga lugar na maaring pagdalhan ng kanilang mga alaga.

Pinayuhan rin ng opisyal ang mga ito na mag-imbak ng pagkain na maaaring magamit ng hanggang apat na araw upang maging sapat kung sakali man na magkakaroon ng kakulangan ng suplay dahil sa naturang kalamidad.

Samantala, aminado naman si Mella na isa sa mga suliranin nila ngayon ay ang mga alagang aso at pusa dahil hindi ito pinapayagang dalhin sa mga evacuation centers.

Nais kasing maiwasan na maulit ang maraming mga livestock na mamamatay matapos malunod o mababad sa tubig.