LEGAZPI CITY – Tuloy pa rin ang mga events ng 2024 National Private Schools Athletic Association Games sa Legazpi City sa kabila ng nararanasan na mga pag-ulan.
Ayon kay Cristina Agapita Pacres ang Tourism Officer ng Legazpi City, upang hindi maapektohan ng mga aktibidad ng National Games napagdesisyonan ng mga organizers na sa malls at gym na lamang isagawa ang ilan sa mga events.
Kasama na diyan ang karatedo, badminton, boxing, chess, taekwondo, PRISAAYAMAN dance competition, Mutya ng PRISAA at iba pa.
Habang ang mga outdoor games kagaya ng archery, running, beach volleyball at swimming na hindi maaring gawin sa loob ng gusali ay hinihintay na lamang na humupa ang ulan upang makapagpatuloy sa event.
Samantala, kabilang naman sa mga nagwagi sa National Games ay si Antonio Luis San Lorenzo na nakapag-uwi ng gold medal para sa Triple Jump at silver medal naman para sa long jump.
Kwento nito na hindi naging madali ang kanilang mga pinagdaanan sa training subalit sulit naman dahil sa naiuwing panalo lalo’t ito ang unang pagkakataon na sumabak sa naturang kompetisyon.
Sa ngayon, nangunguna pa rin sa partial and unofficial medal tally ng National Private Schools Athletic Association Games ang Bicol region.