LEGAZPI CITY- Inihahanda na ng barangay officials ng Concepcion sa Virac, Catanduanes ang kasong isasampa laban sa isang medical center na responsable sa pagtatapon ng mga medical waste sa kanilang baybayin.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Kapitan Antonio Arcilla, ikinadisyama nito ang pagkakadiskobre ng tambak ng medical waste sa kanilang lugar kagaya ng face mask, gloves, syringe, blood collection tube at maging test kits.
Dahil dito, agad na ipinatawag ng barangay sa pamamagitan ng special session ang Excel Care Diagnostic & Wellness Center kung saan galing ang mga basura kasama na rin ang representante ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Iginiit umano ng center na disinfected na ang naturang mga basura subalit hindi nito naipaliwanag kung ba’t itinapon lang sa lugar ang medical waste kung kaya’t nanindigan ang barangay na sasampahan ito ng kasong paglabag sa RA 6969 o “Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1990”.
Sa ngayon natanggal na ang mga medical waste na inilagay sa container truck at ipinasa sa LGU para sa proper waste disposal.
Samantala, naka-isolate naman ang kapitan matapos na magpositibo sa COVID 19 ang isa sa mga nakausap na representante ng center sa mismong araw ng special session.