LEGAZPI CITY– Nilinaw ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Viga, Catanduanes ang nauna ng impormasyon na tatlong linggo ng isolated ang isang barangay sa kanilang bayan.
Ito’y matapos ang tuloy-tuloy at walang patid na pag-ulan.
Ayon kay Niel Francis Tubeo, MDRRMO Head ng Viga sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sa tuwing titila ang ulan, posible nang makatawid ang mga residente sa Brgy Poblacion na katabing barangay lamang.
Ngunit aminado naman ang opisyal na kailangan nang maaksyunan ang palagiang pagbaha na nararanasan ng mga residente sa Brgy Almojuela.
Kwento ni Tubeo, mababa ang pagkakagawa ng nasabing spillway kung kaya’t madali itong malagpasan ng tubig-baha tuwing malakas ang pag-ulan.
Ito umano ang rason kung bakit nahihirapan ag mga residente lalo pa’t ang spillway ang nagsisilbing tulay ng mga residente patungo sa iba pang mga lugar o palabas ng kanilang barangay.
Suhestiyon ng ahensya ay malagyan na ng totoong tulay sa barangay na hindi maaabot ng anumang baha.
Kaugnay nito, nanawagan na rin si Tubeo sa gobyerno probinsyal na mabigyan na ng pondo ang pagpapagawa ng nasabing tulay.