LEGAZPI CITY- Nagsagawa na ng assessment ang Pio Duran Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa mga lugar na nakakaranas ng mga pababaha.
Ginagawa ang hakbang upang paghandaan ang inaasahang mga pag-uulan sa rehiyon ng Bicol dahil sa binibantayan na Low Pressure Area (LPA) at upang matukoy ang pangangailan ng mga residente na maaapektuhan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Noel Ordoña, ang Head ng MDRRMO Pioduran, inumpisahan nila ang declogging operations sa Barangay Marigondon na madalas na nakakaranas ng mga pagbabaha.
Marami rin aniyang mga kahoy ang kinakailangan tanggalin upang makadaloy ang tubig at hindi bumara sa mga ilog at kanal.
Napag-alaman na galing pa sa bundok ang tubig na bumabagsak sa nasabing barangay kaya talagang rumaragsa ang baha kapag nagkakaroon ng malakas na pag-ulan.
Ayon pa kay Ordoña, bukod sa pagbabaha ay may muling may naitalang maliit na rockfall sa bahagi ng bundok sa Brgy. Marigondon.
Bilang hakbang ay sumulat na ang mga opisyal sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang makagawa ng mga hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente.
Kung matatandaaan, una nang nakapagtala ng rockfall sa gilid ng kalsada mula sa nasabing bundok noong nakalipas na taon.
Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang monitoring ng opisina at ibayong paalala at abiso pa rin ang kanilang ibinibigay sa publiko.