LEGAZPI CITY—Inihayag ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Libon na 24/7 silang nakaalerto upang rumesponde sa mga posibleng epekto dulot ng nararanasang sama ng panahon.

Ayon kay MDRRMO Libon Responder Felipe Ziapra, sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mayroon silang back-up personnel mula sa Philippine Coast Guard, Philippine Army, at Philippine National Police.

May mga rescue vehicle rin aniya na nakahanda sakaling kailanganin ito ng mga residente.

Dagdag pa ng opisyal na sa kasalukuyan ay walang naitalang humihingi ng rescue sa lugar.

Samantala, patuloy na nakararanas ng kalat-kalat na pag-ulan ang bayan ng Libon dahil sa epekto ng hanging habagat.