Mayon volcano

LEGAZPI CITY- Patuloy na nakabantay ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology sa mga aktibidad ng bulkang Mayon matapos ang namataan na mga lava spines.

Ayon kay Supervising Science Research Specialist Dr. Paul Alanis sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na tinitingnan na mayroong bagong magma na umakyat sa ilalim at itinutulak ang lumang lava dome.

Tinitingnan na nagkakaroon ng pag-collapse sa lava dome kaya nakakapagtala ng tipak-tipak na matutulos na lava spikes sa bunganga ng bulkan.

Paliwanag nito na ang naturang lava dome ay naiwan pa noong 2023 eruption.

Kaugnay nito ay hindi rin inaalis ang posibilidad na magpatuloy ang aktibidad ng bulkan kaya pinayuhan ang publiko na maging alerto at iwasan ang pagpasok sa 6km radius permanent danger zone.

Sa kabila nito ay hindi pa umano nakikita ang pangangailangan ng pagtaas ng alert level ng bulkang Mayon na kasalukuyang nasa alert level 1.

Ang naturang alerto ay idineklara simula pa noong March 2024.