Matnog Port Sorsogon| Photo courtesy: Dann Christian Amoncio Quiawan

LEGAZPI CITY – Naglatag na ng mga ‘safety measure’ ang mga awtoridad sa pantalan ng Matnog sa Sorsogon bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong Mawar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Matnog Port Acting Division Manager Achilles Galindes, nakikipag-ugnayan na sila sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) para sa mga isasagawang hakbang kaugnay ng inaasahang sama ng panahon.

Humingi na rin ng tulong sa Office of Civil Defense (OCD) Bicol para sa mga protocol tungkol sa mga ipapalabas na land at sea travel advisory.

Nilalayon nito na maiwasan ang pagdagsa ng mga pasahero sa pantalan at mauwi na naman sa kilo-kilometrong pila ng mga stranded.

Naghahanap na rin ng temporary evacution centers para sa mga mai-stranded na mga pasahero kung sakaling magpatupad ng sea travel suspension.

Subalit abiso ni Galindes sa mga biyahero na huwag na munang magpumilit na bumiyahe oras na may sama ng panahon upang hindi matambak ang mga stranded na pasahero sa pantalan.

Samantala, tiniyak din nito na nakahanda ang Matnog Port at lokal na pamahalaan sa posibleng epekto ng bagyo subalit hiling pa rin ang kooperasyon ng mga biyahero.