LEGAZPI CITY- Nakatakdang magdagdag ng mga Roro vessels sa Matnog port sa Sorsogon dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero kaugnay ng papalapit na halalan na susundan pa ng Undas.

Sa kasalukuyan kasi ay nasa 12 lamang na mga barko ang bumabiyahe sa naturang pantalan.

Ayon kay Matnog Port Acting Division Manager Achilles Galindes, maliban sa karagdagang mga barko ay nagpalabas rin sila ng mga alternatibong ruta para sa mga uuwi mula Luzon patungong Visayas at Mindano.

Karaniwan kasi na sa pantalan ng Matnog dumadaan ang mga pasahero patungo sa Visayas at Mindanao.

Subalit ayon sa abiso ng Matnog Port, maaaring dumaan ang mga biyahero sa pantalan ng Castilla sa Sorsogon, Pio Duran port sa Albay, at Pasacao port sa Camarines Sur.

Layunin aniya nito na maiwasan ang congestion at hindi na maantala ang biyahe ng mga ito pauwi sa kanilang mga lalawigan.

Samantala, sinabi ni Galindes na mahigpit na rin ang seguridad ngayon sa naturang pantalan at mahigpot ang kanilang ugnayan sa Philippine Coast Guard at Maritime Industry Authority upang masigurong ligtas ang mga pasahero.