Legazpi City- Inaayos na ng barangay council ng Bariw sa bayan ng Camalig, Albay ang Material Recovery Facility (MRF) kasunod ng reklamo ng ilang mga residente dahil sa amoy nito lalo na at malapit ito sa isang paaralan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Orly Nuyles, barangay kagawad at chairman ng Committee on Waste Management ng naturang barangay, ay target na matapos ang pagsasaayos at konstruksiyon nito ngayong darating na linggo.
Malaking problema umano ng barangay kapag puno na ang nasabing pasilidad dahil na rin sa hindi regular na pag pick up ng kanilang basura ng lokal na pamahalaan ng Camalig.
Nabatid na tuwing Linggo at araw ng Biyernes sana nakatakdang kunin ang nakatambak na basura.
Samantala, humihingi na lamang muna ng pag-unawa ang nasabing opisyal sa mga residente nito.
Siniguro naman nitong minamadali na ang pagsasaayos ng naturang pasilidad.