LEGAZPI CITY- Nagpalabas na ang Commission on Elections (COMELEC) second division ng disqualification para sa nanalong alkalde ng lungsod ng Legazpi na si Mayor Carmen Geraldine “Gie” Rosal dahil umano sa paglabag sa spending ban noong nakaraang eleksyon.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Atty. John Rex Laudiangco ang tagapagsalita ng COMELEC, napatunayan ng komisyon na lumabag ang opisyal sa spending ban matapos itong sumama sa mga namigay ng cash assistance sa mga senior citizens at tricycle drivers noong buwan ng Abril na pasok na panahon ng eleksyon.
Bagaman hindi pa umano opisyal ng lungsod si Gie noong panahong iyon, malinaw naman na nakinabang ito sa pamimigay ng cash assistance na maaaring nakaimpluwensya sa resulta ng eleksyon.
Nilinaw naman ng opisyal na bagaman pinal na ang desisyon ng COMELEC second division maari pa naman na magsampa ng motion for reconsideration ang alkalde na posibleng mai-akyat pa hanggang sa Supreme Court.
Maalalang una na rin na binabaan ng disqualification ang asawa ni Mayor Gie na si Albay Governor Noel Rosal dahil sa kaparehong reklamo matapos na makumpirmang magkasama ang dalawa sa pamimigay ng naturang cash assistance.