LEGAZPI CITY- Matapos ang dalawang taon na suspensyon dahil sa COVID 19 pandemic, inanunsyo ng Albay Provincial Jail ang muling pagbubukas ng kanilang pasilidad para sa pagtanggap ng mga kaanak na bibisita sa persons deprived of liberty (PDL).

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Albay Provincial Jail Warden Joecap Capinpin, mula Mayo 3, tuwing araw ng Martes at Huwebes ay maaari ng makapasok ang mga bisita subalit may mahigpit na mga alituntuning ipatutupad.

Kailangan muna na tumawag sa kanilang himpilan upang mabigyan ng schedule kung kilan maaring bumisita habang limitado lamang ang bilang ng mga papapasokin.

Naglagay rin ng 15 cubicles ang provincial jail kung saan magkaharap na u-upo at magkakausap ang bisita at PDL.

Samantala, umaasa si Capinpin na malaki ang maitutulong ng pagbabalik ng visitation upang muling sumigla ang mga nagbabagong buhay na PDLs at mabawasan ang mga pinagdadaanan lalo na ang depresyon.