LEGAZPI CITY – Nagdala ngayon ng karangalan ang lalawigan ng Masbate matapos na masungkit ang unang gintong medalya sa nagpapatuloy na 2024 National Batang Pinoy Championships sa Puerto Princesa, Palawan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Rufino Arellano ang Division Sports Officer ng Deped-SDO Masbate, sinabi nito na si Courtney Jewel M. Trangia mula sa Masbate Sports Academy ay gumuhit ng panibagong kasaysayan sa U18 Women’s Discus Throw.
Naibulsa ng Grade 12 student ang ginto matapos na makapagtala ng record-breaking performance sa 38.30 meters.
Dagdag pa ni Arellano na Ito na ang ikatlong pagsali ng kanilang delegasyon sa Batang Pinoy at ito narin ang pangatlong gintong medalya ni Trangia.
Habang nasungkit naman ni Hanna Ashlei Regaya ng Davao del Norte ang unang silver at ang unang bronze ay naibulsa ni Trisha Gayle Nalla ng Maasin City.
Samantala, kumpiyansa naman ang opisyal na madaragdagan pa ang mga medalyang makukuha ng Masbate dahil mayroong 34 atleta ang maglalaro pa sa boxing, chess, wrestling, taekwondo at iba pa.
kasabay ng unang tagumpay, nagpapasalamat ang delegasyon sa lokal na gobyerno ng lalawigan maging sa Department of Education sa patuloy na suporta sa Masbate Sports Academy.