LEGAZPI CITY – Nagbabala ang City Disaster Risk Reduction and Management Office sa matinding init ng panahon na posibleng mararanasan sa lungsod ng Legazpi hanggang sa pagtatapos ng buwan ng Marso.
Ito ay matapos na umabot ng 45 degree celcius ang heat index na naitala sa lungsod kahapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Engr. Miladee Azur ang head ng Legazpi City Disaster Risk Reduction and Management Office, ito na ang pinakamataas na heat index na naitala sa lungsod ngayong taong 2024.
Subalit posibleng tumaas pa sa mga susunod na araw dahil na rin sa epekto ng El NiƱo na nakakaapekto sa malaking bahagi ng bansa.
Dahil dito, payo ni Azur sa publiko na iwasan na muna ang pagbilad sa araw at palaging uminom ng tubig upang makaiwas sa mga sakit na posibleng makuha mula sa matinding init ng panahon.