LEGAZPI CITY- Nagsagawa ng pagkilos ang grupo ng mga healthworkers mula sa iba’t ibang panig ng bansa kasabay ng pagdiriwang ng Health Workers Day.
Ayon kay Alliance of Health Workers Chairman Robert Mendoza sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na dapat na marinig ng Marcos administration ang mga suliranin na kinakaharap ng kanilang panig.
Paliwanag nito na simula noong pandemya ay walang nakitang pagbabago bagkus ay patuloy ang paglala sa problema ng pasahod at kontraktwalisasyon.
Idagdag pa aniya dito ang hindi pa rin naibibigay na mga health emergency allowance na matagal na nilang panawagan.
Dagdag pa ni Mendoza na kinakailangan na mabigyan ng prayoridad ng mga mambabatas at ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nakabubuhay na pasahod lalo na sa gitna ng mataas na inflation at mataas na presyo ng mga bilihin.
Aniya, maraming mga health workers ang patuloy na nagtutungo sa ibang mga bansa dahil hindi naibibigay ang kanilang pangangailangan sa Pilipinas.
Iginiit rin ng naturang grupo ang mass hiring ng mga health workers upang mapunuuan ang kakulangan sa mga ospital na nangangalaga sa mga pasyente.