LEGAZPI CITY – Inaasahang mas mararanasan pa ang malamig na temperatura pagdating ng buwan ng Enero at Pebrero sa susunod na taon.
Ayon kay Assistant Weather Services Chief Analisa Solis, ng Climate Monitoring and Prediction Section at Climatology and Agrometeorology Division sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ang naturang mababang temperatura ay dala ng cold surges ng Northeast Monsoon o Amihan.
Subalit ngayong buwan, nakararanas na ng biglaang paglamig ng panahon dahil sa maagang pag-iral ng Amihan nitong nakalipas na buwan ng Oktubre.
Kahapon, naitala ang pinakamalamig na temperatura sa Benguet na 10.8 degrees Celsius.
Ngayong taon, naitala rin ang pinakamababang temperatura sa Benguet State University agrometeorology station sa La Trinidad na 7.9 degrees Celcious noong Pebrero 20.
Pinakamamabang temperatura na naitala sa bansa ay sa sa Baguio City na 6.3 degrees Celsius noong Enero 18, 1961.
Sinabi ni Solis, magandang implikasyon rin ang pagkakaroon ng malamig na temperatura sa bansa dahil hindi natutuloy na makapasok ang mga bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR).