LEGAZPI CITY – Inaasahan na ang mas mabilis na responde sa mga emergency situations sa Albay.

Kasunod ito ng ceremonial signing ng Memorandum of Understanding (MOU) ng pamahalaang panlalawigan at Next Generation Advanced 911.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) chief Dr. Cedric Daep, inumpisahan ito sa Legazpi at papalawigin na sa buong lalawigan, na pinakaunang pagkakataon sa buong bansa.

Magsasagawa muna ng training para sa pasilidad at may ilalaang espasyo na sa tanggapan ng APSEMO para sa 911.

Kasama na sa gagawing training ang mabilis na referral sa mga bayan, pinakamalapit na ospital at police stations.

Ayon pa kay Daep, dalawang buwan ang libreng trial para masuri ang mga communication system na umaasa sa satellite kaya’t hindi basta-bastang mawawalan ng signal.

Posibleng ngayong Hulyo, umpisahan ang dry-run ng mga gagamiting makina.