LEGAZPI CITY – Naobserbahan ng Department of Trade and Industry (DTI) Albay ang pagdami ng mga nagpapakansela ng business names sa social media partikular na sa online marketing.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DTI Albay Provincial Director Dindo Nabol, dalawang linggo na umano nilang napapansin ang dagsa ng mga nais magpakansela ng kanilang online business names.

Pinaniniwalaang may kaugnayan ito sa panukalang pagpapataw ng buwis maging sa digital services, batay na rin sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Bongbong Marcos.

Ikinabigla rin umano ni Nabol ang sunod-sunod na kanselasyon at kabilang sa binabanggit na dahilan ng mga business owners ang kakulangan sa capital at maraming kakompetensya.

Tinutukoy na rin ngayon ng tanggapan ang pinakaugat ng closure.

Samanatala, tiniyak naman ng DTI Albay ang pagbabantay sa mga ito lalo na sa posibilidad na magpatuloy ang operasyon sa kabila ng paghingi ng kanselasyon.