LEGAZPI CITY – Hindi na lang pagbibigay ng seguridad, subalit tumutulong na rin ang kapulisan sa pagpapaaral ng ilang estudyante na mula sa naghihirap na pamilya.
Sa bayan ng Manito, isang estudyante ang tinutulongan ngayon ng Manito Municipal Police Station upang makapagtapos ng pag-aaral sa pamamagitan ng kanilang Project TANGLAW.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Police Staff Sergeant Liezel Peteza ang Police Community Affairs and Development Office ng Manito Municipal Police Station, libre na ng istasyon ang damit, sapatos, bag, lapis, ballpen at iba pang mga gamit sa paaralan ng estudyante na si Myka Atuli.
Kada buwan binibisita ng mga pulis ang estudyante upang mabigyan ito ng allowance.
Ayon kay Peteza, si Myka ang napili ng kanilang istasyon dahil walang regular na trabaho ang mga magulang nito, walang maayos na tirahan at hirap sa pag-aaral subalit pursigido ang bata na makapag-aral.
Plano ng Manito Municipal Police Station na tulongan sa pag-aaral si Myka hanggang sa makapagtapos ito ng kolehiyo.