LEGAZPI CITY – Pinaghahanap na ng mga rescuers ang isang mangingisda sa San Pascual, Masbate na nawala sa karagatan matapos na mabangga ng isang cargo ship ang sinasakyang bangka.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Lhay Dela Peña, responder ng San Pascual Municipal Disaster Risk Reduction Management Office, gabi ng Agosto 10 ng pumalaot ang biktima at ang kuya nito na si Roland Marientes.
Subalit habang nasa kalagitnaan ng dagat, napaidlip ang dalawa kung kaya hindi napansin ang papalapit na cargo ship hanggang sa tuloyan ng mabangga ang kanilang bangka.
Nakatalon naman ang dalawang mangigisda subalit tinamaan ng barko ang nakababatang kapatid.
Dahil dito nanghina at nahirapang lumangoy ang biktima kung kaya sinabihan nito ang kanyang kuya na bitawan at iwan na lamang siya.
Masakit man sa damdamin ay napilitan si Roland na lumangoy ng mag-isa at tuloyan ng naiwan ang biktima.
Matapos ang limang oras na pagpapalutang-lutang ay narescue si Roland ng mga sakay ng naparaan na barko kung kaya agad na naireport sa mga awtoridad ang nangyari.
Sa ngayon ay nagtutulongan na ang mga ahensya ng gobyerno upang mahanap ang nawawalang mangingisda habang inaalam na rin kung anong cargo ship ang nakabangga sa mga ito.