LEGAZPI CITY – Hindi na umano kailangang pag-usapan ang mandatory vaccination ng COVID-19 vaccine sa mga unibersidad dahil walang nakikitang vaccine hesitancy sa mga target population.
Ayon kay Commission on Higher Education (CHED) chairman Prospero de Vera, naobserbahan na maraming nagnanais na magpabakunang estudyante at mga guro.
Pagbabahagi ni De Vera sa Bombo Radyo Legazpi, personal na nakita sa kaniyang pag-iikot na karaniwang marami ang nais na magpabakuna kaysa sa bilang ng kayang masilbihan ng vaccine rollout sa bawat araw.
Kagaya umano ng nangyari sa Mabalacat City College, nasa 800 lamang ang bakuna na nakalaan para sa mga estudyante, faculty member at iba pang empleyado subaliy umabot sa 1, 000 ang pumirma na nais na magpabakuna.
Una na rin umanong tiniyak ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez na sapat ang COVID-vaccines mula sa higit 19 million nang delivery at inaasahan na darating pa ang pinakamalaking suplay ngayong Oktubre.
Bilang bahagi ng special target group sinabi ng opisyal na ang dapat gawin sa ngayon ng mga eskwelahan, ayusin ang imbentaryo ng mga magpapabakuna at magkaroon ng maayos na ugnayan sa lokal na pamahalaan.
Bahala na umano si Sec. Galvez na magpadala ng kulang na bakuna sa isang lugar.