LEGAZPI CITY – Kabi-kabilang pagpapalikas na ng mga residente mula sa risk areas ang ipinag-utos ng mga provincial disaster risk reduction and management councils sa Bicol bilang paghahanda sa Bagyong Dante.
Sa Catanduanes, naglabas ng kautusan si Gov. Joseph Cua sa mandatory evacuation sa mga residente na nasa banta ng daluyong, pagbaha at landslides.
Maging sa Albay, ipinag-utos ni Gov. Al Francis Bichara ang evacuation ng vulnerable population at dapat matapos bago sumapit ang gabi.
Kalakip rin ng advisory ang pagsuspinde ng trabaho sa private at government offices, on-line at face to face classes, pati na mall operations bukas Hunyo 2, maliban na lamang sa mga ahensya na may kinalaman sa public safety and disaster risk reduction.
Samantala, tatlong mangingisda naman mula sa Brgy. Marinawa sa bayan ng Bato, Catanduanes ang na-rescue ng mga kapwa mangingisda sa karagatang sakop ng Rapu-Rapu, Albay.
Nasiraan umano ang mga ito sa gitna ang laot hanggang sa mapadpad sa lugar.
Kinilala ang mga itong sina Nelson Cuison, 55; kasama ang anak na si Bret Michael Cuison, 25 at isa pang mangingisda na si Teodoro Buendia, 55.